Di na kayang suyuin ng mainit na kape ang nanlalamig na pagkatao. Itong kakaibang ginaw na dulot ng panahon ay tila yelong bumabalot sa pananaw ng isang pilosopong nangangarap. Nakakahumaling at nakakalungkot… nahuhumaling sa lungkot.
Walang katapusang pagtakbo, pagtago – paglayo, ngunit hanggang kelan kaya ito dapat gawin upang maatim ang katahimikang matagal ng ninanais?
Sa pagsilip ng buwan, kusang bumabalik mga emosyong ikinukubli at isinasantabi. Mga patak ng sarkastikong liwanag na umaaninag sa isang aninong naliligaw. Nawawala? pero paano nga ba mawawala ang isang bagay na di pa nahahanap?
Bigo nga bang masasabi kung mas nanaisin ng isang taong sumuko na lang? pagkabigo bang maituturing kung mas pipiliin nilang bumitiw na lamang?
Walang kagandahan sa paglagapak, walang kasiyahan sa pagkakahulog at walang nakakatuwa sa pagkakadapa.
Mas madaling umangat sa pamamagitan ng paggamit ng mga tao, mas madaling bumagsak sa pamamagitan ng pagsunod sa sariling paniniwala. Subalit eto nga ba ang dapat gawing batayan at pamamaraan upang maabot natin ang ating mga pinapangarap at hinahangad?
Kalimutan ang sarili upang umangat, mag pakatotoo at sigurado ang pagbagsak…
Hanggang kalian kaya dapat panindigan ang mga prinsipyo? Sa malamang at sa malamang, lahat ng ito ay magwawakas din lamang. Wala ng bayani sa panahon ngayon, kaya dapat nga bang magpakaduwag na lamang at magtago sa kasinungalingan? Some rise by sin, some by virtue fall.
Mas madaling gumawa ng mali kaysa tama dahil Mas madaming options sa kamalian.
PERO, ang isang bagay na nakuha sa pamamagitan ng maling gawa at pamamaraan ay di kailanman magdudulot ng sinserong tuwa kaninuman at kailanman. Hindi ba’t ito naman ang tangi kong hangad? Sinserong tuwa. Sinserong ngiti.
Ngayong araw na ito, weird, pero wala akong pakialam sa kahit na ano pa man sabihin ng mga tao. Dahil ngayon, parang napakagaan ng pakiramdam na nakikita ko ang isang bagay o kaya’y isang taong nagpapasaya sa akin. Walang pagnanais na lumayo, wala ang hatak ng pagtakbo , sa halip, hinahayaan ang pagkakataong namnamin ang natitirang araw na alam mong matagal pa (o di kaya’y hindi na) mauulit pa. Wala mang katanungang nasagot o kaya’y sagot na nakwestyon, ang siste, ayaw ko ng mag isip pa. ito na siguro ang pinaka tahimik kong konbersasyon, ganun pa man, napakalaking bigat naman ang tinaggal nito sa aking puso.
Kulang ang aking bokabularyo upang ma-explain ko ang bawat detalye, pero isa lang ang masasabi ko,
Katahimikan at kapayapaan ng isip ay maaatim sa mga mumunting bagay na minsan isinasantabi natin. Tayo’y naguguluhan dahil hinahayaan nating madistorbo ating mga sarili… nagpapadistorbo tayo sa ingay na gawa ng mga tao sa ating paligid. Maaari naman nating marinig ingay nila, pero nasasa atin yun kung papakinggan natin sinasabi nila.
Ang tama at mali ay nasa sarili nating bolisyon. Kailangan kong ulit ulitin at kumbinsihin muli sarili ko sa ideyang ito. Isa lang ang bagay na masasabi kong pinakamahalaga sa identity ko at yun ay ang aking prinsipyo. Muntik na akong bumigay at humiga na lamang sa pagkakadapa, muntikan ko ng ipaubaya lahat ng aking paniniwala, pero ngayon ko lang napagtanto na hindi ito maaari. Oras na isinuko ko aking pilosopiya, ano pang matitira sa akin? Wala…
Alam kong sa ngayon ay may munting tuwa akong nadarama, at alam ko din na sa mga susunod na araw ay muling magbabalik ang lungkot. Di ko na pipiliting iwasan ito, dapat ko na lang tanggapin ko na ganito ako. May mga bagay na wala na akong magagawa pa at hindi ko na mababago pa. parang kwento lang ni Prometheus, patuloy man syang namamatay at patuloy din ang kanyang pagkabuhay – paulit ulit, walang hanggan, ito’y maituturing na sumpa kung di mo kayang tanggapin ang kapalaran.
Pero sa ngayon, alam kong natutuwa ako sa realisasyon kong
Di pala imposibleng mahalin ang isang bagay (o taong) di mo pwedeng makamit.
Korni mang sabihin, pero patuloy ko syang mamahalin.
(shoot that’s so high school!)
Comments
Post a Comment